ni Stephen Patricio, Segment Producer
MAHIGIT dalawang dekada na akong binata.
At masasabi ko namang na-eenjoy ko na rin ang mga bunga ng aking mga paghihirap sa trabaho. Pero kahit ramdam ko pa ang sarap ng laya ng pagiging bachelor… naiisip ko na ring pumasok sa panibagong chapter ng aking buhay… ang pagpapakasal.
Siyempre ultimate wish ko rin na makasama ang aking minamahal at mabigyan siya ng magandang buhay. Kasama na rin diyan ang pangarap kong magkaroon ng mga tsikiting kung kanino ipalalasap ko ang mga bagay na hindi ko naranasan noong ako’y bata pa.
Pero paano ko malalaman kung keri ko? Paano ko malalaman na handa na ako?
Sa totoo lang naman, ang pagpapakasal ay hindi parang script na kapag ipinasa ko na… may Ma’am Jessica na magche-check at mag-aayos.
So, tinanong ko ang aking kaibigan na nakapag-asawa na:
“Pre, madali ba ang mag-asawa at mag-alaga ng anak?”
Nangiti ang aking kaibigan at nagbigay ng confident na sagot.
“Gusto mong malaman? Mag-alaga ka ng aso!”
At (ahem… ahem) hindi lang dapat basta-basta… dapat may breed. At dapat may characterisitic na gusto mo.
Hehehe. Ayos ‘ata ang advise ng kaibigan ko. At least may trial period ako.
Sinabi ko rin ang aking balak kay GF at sa mga ngiti at kislap ng kaniyang mata… mukhang positive!
Halos isang buwan akong namili ng mapapangasawa, este, aalagaan.
At napili ko ang isang Labrador… pinangalanan ko siyang Sasha.
Ako at ang aking pinakamamahal na alagang labrador — si Sasha
Sabi kasi sa research, malambing daw ang Labrador, outgoing, mabait at higit sa lahat loyal. Hmm. Parang ito rin ang mga katangiang nagustuhan ko kay GF.
“D’ First Months”
Naku. Parang naghanap ‘ata ako ng batong ipupukpok sa ulo ko. Ang hirap at hindi pala basta-basta ang mag-alaga ng Labrador.
Una, ayaw ng nanay ko kay Sasha (strict kasi ang nanay ko ayaw ng maharot).
Pangalawa, sobrang gastos! P100 pesos a day ang iniintrega ko para lang sa pagkain nya.
At dahil parati akong nasa out of town shoot ng KMJS, minsan nakakuha ako ng tawag mula sa aming katulong: nag-ha-hunger strike raw ang aking alaga.
Daglian akong umuwi para dalhin ito sa Vet. Pero pagdating ko tumakbo sa ‘kin, naglambing at kinain agad ang pasalubong kong tinapay. Parang nagtampo lang pala.
Dito ko nararamdaman na parang lumalalim na ang aming samahan.
Pag-uwi galing sa trabaho, kasama ko si Sasha. Kasama ko siyang nagmuni-muni. At kahit pa may mga problema, nauubos na ang aking pera o bumabagsak man ang aking career, parang ok lang basta kasama ko ang aking alaga.
Para bang sinasabi niyang: “Ok lang ’yan. I will always be here, kasama mo.”
Pero hindi lang pala ako ang may ganitong nararamdaman para sa kaniyang alaga.
Nang nagkaroon kami ng istorya tungkol sa mga “Kakaibang Alaga” ni-request ko agad sa aking Executive Producer na ako ang gumawa nito.
Dahil malapit ako sa hayop, feeling ko maipakikita ko ang saloobin ng pet lovers.
Dito ko nakilala sina Bambie at Cutie, ang mga tinaguriang “Kanga-dogs!” Para silang kangaroos dahil putol ang dalawang paa nila sa harapan. Tumatalon din sila imbes na tumatakbo! Iniiwasan kasi nilang sumayad ang nagagasgas nilang dibdib.
Kahit may kapansanan, miyembro ng pamilya ang turing nina Aling Rita sa kanilang mga alaga na sina Bambie at Cutie
“Disabled” man kung ituring, hindi naman nagkulang sa pagmamahal ang kanilang amo na sina Mang Lope at Aling Rita.
Sobrang nabilib nga ako sa kanila dahil parang mga tunay na anak ang turing nila sa mga asong ito! Mas una pa nga nila itong pinakakain kaysa sa kanilang mga sarili. Sa 25 pesos nilang ulam kasama sa budget ang kanilang mga alaga.
At kahit pa binibili ito ng 10,000 hindi nila ito ibinenta sa mas mayamang amo.
Sana nga lang, may tumulong na mapagawa ang wheelchair para sa kanilang artificial na paa.
“Kay haba-haba man ng prusisyon…”
Ngayon halos magdadalawang taon ko nang kasama si Sasha. Hindi ko na iniisip yung mga problema sa pera, galit ng aking ina, etc.
Para sa akin kung nabibigay ko iyong best sa aking alaga at ang deserved niyang pagmamahal, pareho na kaming masaya.
At para naman sa aking tunay na katipan, lalo pa niya akong minahal.
’Ika nga niya, kung sa aking alaga ay ganoon ako ka dedicated, how much more sa aming magiging mga anak.
Dahil ayoko naman maiinggit si Sasha, ikinuha ko na rin siya ng kaniyang boyfriend — si Tim ang itim na Labrador!
At nang magkita kami ng aking kaibigan, ako’y lubos na nagpasalamat.
“Tsong, salamat sa payo. Ikaw ba anong pet mo?”
Medyo malungkot ang kaniyang naging tugon….
“Hindi nga ako nagkaroon ng pet, e. Hindi tuloy ako nasanay sa kahol ng asawa ko gabi-gabi. Kulang na lang lapain ako…”
Tsk, tsk, tsk.
Ang aking kambal na ligaya, sina Sasha at Tim
Malayo man kung ikukumpara ang pag-aalaga ng hayop sa buhay mag-asawa, mas natuto akong magmahal at mag-aruga dahil sa mga aso ko.
* * *
Sa mga taong gustong tumulong kay Bambie at Cutie, tumawag na lang sa aming opisina: 982-7777 loc. 1426 o 1427 o kaya naman ay mag-reply sa aming website. Salamat.








