Tag Archive | "Ondoy"

Tags: , , ,

Bakas ng Delubyo

Posted on 21 October 2009 by KMJS admin

ni Frank Robles, Researcher

Ito na yata ang pinakamahabang biyaheng aking naranasan.

Wala kasi akong probinsiya kaya halos inosente ako sa itsura ng aming pupuntahan — La Union— madalas ay sa balita ko lang ito nakikita. Ni hindi ko ma-imagine kung ano ang tunay na sitwasyon ng mga nasalanta, ang kanilang mga istorya at ang kanilang dinanas sa ilalim ng hagupit ng dalawang nagdaang bagyo.

Una naming tinungo ang bayan ng San Manuel sa Pangasinan para puntahan ang kontrobersiyal na San Roque Dam. Sa biyahe, kitang-kita na ang matinding bakas na bagyo. Ang SM Rosales, sarado pa rin dahil sa tindi ng pinsalang tinamo nito.

Ang mga bahay, mistulang ice cream na natunaw at gumuho dahil sa rumaragasang tubig na dala ng bagyong Pepeng. Ang ilang mga palayan, babad pa rin sa tubig na abot pa sa dinadaanan naming kalsada. Naisip ko tuloy, paano na kaya ang Pasko at ang buhay ng ating mga magsasaka? Sa isang iglap lang, nasira ang sakahang pinaghuhugutan nila ng kabuhayan.

Pumunta kami sa pinakatuktok ng San Roque Dam kung saan makikita ang reservoir at ang mga gate na binuksan noong kasagsagan ng bagyong Pepeng. Habang inaakyat namin ang matarik na daan, kapansin-pansin ang makapigil-hiningang view at ang lawak ng buong lugar. Hindi naman nakakapagtaka na ito ang tinanghal na pinakamalaking dam sa buong Pilipinas at sa Southeast Asia. Sa taas, nakita namin ang naglalakihang mga makina pati na rin ang mga gate at spillway kung saan dumadaloy ang tubig na nagmumula sa reservoir.
Naisipan ko tuloy tanungin ang kasama naming si Engineer Raymond Mariano: “Gaano nga ba katibay ang San Roque Dam at totoo bang may crack na nga ito?”


Si Jessica Soho kasama ang tauhan ng San Roque dam.

Ayon kay Engr. Mariano, matatag at matibay ang San Roque Dam. Hindi raw totoo na may crack ito. Aniya, tanging bagyo na may 3 times na lakas ng bagyong Pepeng at higit 7.5 magnitude na earthquake lamang ang makakapagpabagsak sa matibay na dam na ito.

Sa La Union, pinuntahan namin ang nasirang tulay sa Barangay Mamat ing Norte, sa Bayan ng Naguillan. Malayu-layo rin ang aming nilakbay para marating ito. Sira kasi ang tulay papunta sa nasabing bayan. Nilamon ng tubig ang kapirasong bahagi nito kaya putol ang tulay na dinadaanan ng mga tao. Napilitan tuloy ang aming crew na sumakay ng balsa at tawirin ang ilog papunta sa kabilang bayan.

Nakakatakot.

Malalim ang ilog at kung sakaling tumaob ito, siguradong disgrasya ang aming kahahantungan. Unang beses ko ring nakasakay ng balsa kaya naman lubos ang aking pagdarasal na makatawid kami ng ligtas. Hindi naman kami pinabayaan ng Diyos at ligtas naming narating ang bayan.
Dito ko na hinanap ang sinasabing pamilyang natabunan ng gumuhong bundok. Kasama ang isang batang nagngangalang Richard, sinamahan niya kami papunta sa lugar. Habang naglalakad, nakipag-kuwentuhan muna ako sa kanya.

Kaibigan at kaklase si Richard ng isa sa mga namatay, Grade 5 na sila at dapat sana’y ngayong Lunes na ang balik nila sa paaralan. Tinanong ko siya kung bakit niya tinitiis lakbayin ang napakahabang daan papunta sa bahay ng kanyang kaibigan. Nalulungkot daw kasi siya at wala na siyang kalaro, kaya naman kahit sa huling sandali man lang daw, makasama at makita niya ang kaklase at matalik na kaibigan.
Ramdam ko ang lungkot na kanyang dinadala habang sinasamahan kami papunta sa lugar. Wala na rin kasi ang tatay ni Richard at tanging ang kanyang ina at lola na lamang ang kanyang kasama. Winasak din ng bagyo ang kanilang pananim na palay kaya naman wala silang aanihin para maibenta. Tinanong ko siya kung excited ba siya sa nalalapit na Pasko, hindi na nakapagsalita ang bata, bagay na dumurog sa aking puso.
Sa wakas, matapos ang halos isang oras narating rin namin ang lugar na pinaglilibingan ng pamilya. Kinausap ko kagad si Tatay Marshal, ang tanging nakaligtas sa naganap na aksidente. Pinipilit ko siyang kausapin pero nanatiling tikom ang kanyang bibig. Ang biyenan na lamang niya na si Lolo Salvador na lamang ang aking kinausap.
Hindi mapigilan ni Lolo na maiyak habang kinukwento sa akin ang nangyari sa kanyang anak at mga apo. Sa isang iglap, nilamon daw sila ng lupa.
Pinuntahan namin ang bahay na pinangyarihan ng aksidente, tanging bubong na lamang ang aking nakita.
Pero sa kabila ng mga nangyaring trahedya, hindi ko pa rin lubos maisip kung bakit gusto pa rin nina Lolo Salvador at Tatay Marcial na manirahan sa paanan ng bundok?

Ang awtor kasama ang cameraman na si Willier Esplana

Ayon kay Lolo Salvador, “Tuloy lamang ang buhay. balik pagsasaka na lamang kami.”

Natapos ang araw, wala akong ibang naramdaman kungdi pasasalamat…. Salamat sa aking trabaho at nararanasan ko ang mga pambihirang pagkakataong ito sa buhay ko.  Salamat at dahil sa karanasan kong ito, napagtanto kong napaka-suwerte ko.
Naalala ko tuloy ang sinabi ng aking ama: kung sa tingin mo ay napakahaba ng pila sa iyong harapan tungo sa buhay ng kaginhawaan, lumingon ka lamang dahil tiyak na mas doble at triple pa ang haba ng pila na nasa iyong likuran.

Comments (9)

Tags: ,

Case Study

Posted on 18 October 2009 by KMJS admin

“Tito three na lang!… Tito two!….One na lang….Tito wala na!”

Ito ang mga sinisigaw ng aking anim na taong gulang na pamangkin habang binibilang ang mga huling palapag ng aming hagdanan papuntang 2nd floor.

“Itaas ang ibang gamit sa mga cabinet, sa bubong na tayo!

Ito ang aking tugon sa aking mga kasambahay habang nag-iisip ng mga huling paraan para maisalba ang aming buhay.

Pero sa huli…nang nawala na ang lahat ng paraan at pag-asa…inihanda na namin ng pamilya ko ang aming mga sarili na baka ito na ang huli naming pagsasama-sama.

“Ok lang yun Tito handa naman akong mamatay, Sabi ni Jesus pupunta naman tayo sa heaven.”

Magkahalong pangingilabot at pag-asa ang naramdaman ko sa sagot ng aking pamangkin. Marahil natutunan niya ito sa kanyang Sunday school.

Malaking trauma ang binigay sa aming mga Marikeño ng bagyong “Ondoy”. Nakita na sa TV paano nito nilubog ang aming siyudad…

Pero natapos man ang delubyo…sariwa pa rin sa akin ang “timeline” na nangyari sa aming tahanan…

Umaga 7am-11am

Alas siete ng umaga nahinto ang aking paghihilik dahil sa paggising sa akin ng nanay ko

“Anak, hanggang gutter na ang tubig sa labas, baka abutin ang kotse mo”

Sa isip-isip ko…..“Gutter lang pala…” at patuloy pa rin ang pagkiskis ng aking paa sa malamig na unan at kumot….

“Anak, hanggang flooring na ng kotse mo!”

“Lowered po yun Ma!”

At niyabangan ko pa ang nanay ko.  Pero dito na rin ako bumangon at dinala ang aking kotse sa mas mataas na parte ng subdivision…

Pagbalik ko sa aming bahay lagpas gutter na ang baha at humahalik na ito sa aming gate…

“Wala yan usual lang yan” sabi ko sa aking sarili…

Pero ang aking ina medyo nangangamba na. Naalala niya kasi ang Bagyong Unsang noong 1988 na pumasok ang baha sa aming tahanan at umabot ng halos 8 ft.

“May dike na, Almost 20 years na yun…malabong mangyari” sabi ko na naman sa aking sarili.

Ilang minuto lang pumasok na ang baha sa aming tahanan.

“Uy baha!” ang aking malakas na sigaw…

Picture..Picture!” Ito ang aking naisip gawin.

Ganito ang hitsura ng kalsada sa Twinville Subdivision, Marikina, pagkatapos ng bagyo

Masaya ko pang kinukunan ang aking ina at sarili. Sobrang bago kasi sa akin na nagkaroon ng swimming pool ang loob ng aming bahay.

Pero nasundan sa pag-snap ng aking camera ang isang malakas na tunog…

“Ka-Bang!” Ito na pala ang paghampas ng aming pinto. Sabay ragasa ng tubig baha!

Mula bukong-bukong na baha napunta agad ito sa hita…

Biglang bumagsak agad ang istante ng aking home theater at lumubog ito sa baha…

Naalala ko pa na ito ang aking regalo sa aking sarili sa unang taon ko sa KMJS.

Dito na lang nagising ang aking kamalayan na hindi na ito simpleng baha…Baka Unsang Part 2!

Nasundan na ang mga pangyayari ng iba’t ibang sigaw

“Itaas na ang Urn ni Daddy!” sigaw ng aking ina.

“Kuya,kuya nalulunod na ang mga aso mo!” sabi ng aming kasambahay.

“Patayin ang breaker!”,     “Kuya naiipit na ako sa pinto!”  “Buhatin na yung mga gamit!” “Baka ma-trap ang pamangkin mo hindi sila makapasok!”

Sari-saring mga sigaw, Hindi ko na alam kung ano ang uunahin.

Mula hita, napunta agad sa dibdib…

“Umakyat na tayo sa 2nd floor!”

Hapon 1 pm – 5pm

1988 nang mag-iwan ng guhit ng baha sa aming dingding ang bagyong Unsang.  Hindi ito binura ng aking ama bilang tanda ng pinakamalalim na baha na pumasok sa aming bahay…

Pero madaling nabura ang tanda dahil umabot na agad sa bubong ng first floor ang baha…

“Malabo namang umakyat ng 2nd floor ang baha” ang buong akala naming lahat…

Pero naubos na nga ang palapag ng aming hagdan at umabot na nga sa tuhod ng 2nd floor ang baha…wala na kaming ibang pupuntahan kundi ang bubong.

Sa bubong nakita ko na ang aking mga kapitbahay…matanda, sanggol, aso, lahat nagkukumpulan para labanan ang lamig na dala ng malakas pa ring ulan.

Nakakapangilabot makita ang aking kapitbahay na isang lola na yakap-yakap niya ang isang sanggol na marahil ito ay kanyang apo…

Kahit nangangatog pilit tinatalukbungan ng kanyang katawan ang bata…

Dito ko rin nakita ang iba’t ibang tao na kumakapit sa kawad ng kuryente, hinihila ang sarili para makalabas sa subdivision…

May mga aso rin na nasa taas ng puno, umiiyak at humihingi ng saklolo…Nakakatuwa nga na ang aking asong Labrador pinupuntahan ang na-trap na aso, animo’y tinuturuang lumangoy…

“Ano ang gagawin ko?, Ano pa ang dapat gawin?, Sino ang tatawagan ko?, Saan ang rescue? Paano pag lumagpas ng bubong? Paano ang 67 years old kong nanay? Paano ang aking mga pamangkin?,

Maraming tumatakbo sa aking isipan kung anong kailangan kong gawin.

Pero naalala ko ang isang sermon sa aming Church Service. Hindi na dapat “AKO” ang maghanap ng paraan ngunit dapat maniwala ako na kaya “NIYA” na nasa Itaas.

Sabi sa Bibliya “Be STILL and KNOW that I AM GOD”.

Nagdasal kaming pamilya habang minamasdan ang patuloy na pagtaas ng baha.

Gabi 6pm – 11 pm

Tila sinagot ang aming mga panalangin.

Kahit walang rescue galing sa pamahalaan, nakagawa ng paraan ang aming subdivision kung papaano makatakas sa baha, lalung-lalo na ang mga matatanda at bata.

Ala sais na ng gabi nang paisa-isa nang nililikas ang matatanda at bata gamit ang isang water/air bed….

Nagpasya kami na pasakayin na aking ina at mga pamangkin para maihatid sila sa school na may 3rd floor. Anim na bahay rin ang layo nang nilakbay ng aking ina papunta sa eskwelahan, iniilagan ang mga kable ng kuryente at nag-iingat para hindi madulas at matusok sa mga rehas ng gate.

Mahigit 12 oras na akong nasa bubong at pagdating ng gabi iba’t ibang tunog na ang umaalingawngaw sa tahimik na gabi…

“Saklolo!”…. “Malulunod na kami”

“Tulong!”

Dagdag pa ang mala-Halloween na ungol ng mga aso…

Wala akong magawa kundi magdasal…

Sa bubong na ako nakatulog at nasaksihan ko na rin ang unti-unting pagbaba ng tubig…

Ang Pagtatapos

Sa aking pagbaba nakita ko ang aming pinaghirapan ng ilang taon, sa isang araw mabilis na nawala…

Laking pasalamat na lang na lahat kami ay nakaligtas.

At wala sa aming subdivision ang nasawi…Marahil ang mga humihingi ng saklolo nung gabi ay nakaligtas…

Para sa akin…isa itong “answered prayer.

Dito ko rin nga na-experience ang maging case study sa aming programa…

Segment Producer Stephen Patricio sa harap ng kanyang bahay sa Twinville Subdivision, Marikina

Nalunod man ang aming mga gamit, sa experience naman na ito, umapaw naman ang naramdaman kong pagmamahal sa aking mga kaibigan at katrabaho…

Maraming maraming salamat.

Pero higit sa lahat, natutunan ko na hindi ko dapat inaasa ang lahat sa aking sariling kakayahan dahil mayroon akong pwedeng tawagin na alam kong hindi ako iiwan at pababayaan.

Comments (5)

Tags: ,

Aral ni Ondoy

Posted on 16 October 2009 by KMJS admin

ni Jacqueline Sto. Domingo, Researcher

Ang awtor kasama si Jessica Soho.

Sabado iyon, September 26.

Kagagaling ko lang sa leave pero kailangan ko nang pumasok para asikasuhin ang bago kong istorya.

Tanghali na nang naisipan kong tawagan ang Segment Producer ko para mag update. Hindi ko siya makontak.

Nalaman ko na lang mula sa aming Executive Producer na lubog na sa baha ang bahay ng aking Segment Producer sa Marikina.

Binuksan ko ang TV. Doon ko nakita ang nakakapanlumong itsura ng lungsod, lubog sa baha at may mga taong nasa ibabaw ng kanilang mga bubong at humihingi ng tulong.

Medyo kinabahan na ako, malapit lang kasi ang aming tinitirhan sa Marikina. Pero kampante pa rin ako kasi hindi naman binabaha ang lugar namin sa Karangalan Village sa Pasig.

Kaliwa’t kanan na tawag ang aking natanggap mula sa aming mga contact —- galing Marikina, Fairview at Quezon City — nanghihingi ng tulong para ma-rescue.

Maya-maya lang, sinabi na sa akin ng aming EP na “breaking” daw kami.

Naramdaman ko na naman ang “adrenalin rush.” Takbo rito takbo roon. Isang oras bago kami sumalang nakatanggap ako ng tawag mula sa aking ina. Baha na raw sa amin at pumasok na ang tubig sa loob ng bahay, lahat sila, nasa ikalawang palapag na. Binilin pa niya na pilitin ko raw sunduin ang aking pinsan na na-stranded na sa daan.

Ilang oras bago kami umere hindi ko maiwasang mag-alala sa kalagayan ng aking pamilya. Sa bawat balita na aming natatanggap, natatakot akong baka isa na sila sa mga taong dumaranas ng lupit ng bagyong Ondoy.

Nang matapos ang aming programa, sinundo ko ang aking pinsan at bumalik kami ng opisina. Hindi na kasi kami makadaan sa mga kalsadang pauwi sa aming lugar dahil lubog ito sa baha. Nagpalipas kami ng gabi sa opisina at nagdasal na sana humupa na ang baha.

Kinabukasan, tumawag ako sa aking ina. Wala pa raw silang tulog at gutom na gutom na dahil patuloy raw ang pagtaas ng baha sa aming lugar. Gusto kong lumipad pauwi sa amin ng panahon na yun. Gusto kong kasama nila ako sa mga ganitong paghihirap.

Nang buksan ko ang telebisyon, ang balita ay tungkol na sa aming lugar: “Karangalan Village lubog na rin sa baha!”

Ganito ang “view” sa labas ng bahay namin sa Pasig — nakakapaglakbay lamang ang mga tao sa pamamagitan ng bangka.

Tumawag ulit ako sa bahay pero hindi ko na makontak ang aking pamilya. Hindi ko na kayang panoorin ang mga nangyayari at mag-alala nang walang ginagawa.

Takot man ako sa kung anong mangyayari sa akin sa daan, nagdesisyon na akong sumugod sa baha. Dumaan kami ng Ortigas kung saan hindi na mataas ang baha. Mula doon naglakad na kami ng pinsan ko mula … C5… Eastwood… Magsaysay… Manggahan. Dito, mataas na ang tubig umaabot na sa aming bewang. Meron kaming nakitang maliit na bangka nakiusap kaming dalhin kami sa aming lugar pero hindi ito pumayag dahil sa mataas daw ang tubig doon at malakas ang agos.

Hindi pa rin kami tumigil, nananaig ang pag-aalala ko sa aking pamilya. Patuloy kaming naglakad at kumapit sa mga tali na nasa gilid ng kalsada.

Habang papalapit kami sa aming lugar hindi ko mapigilan ang maging emosyonal sa aking mga nakikita. Ang dating masiglang lugar namin ngayon ay lubog sa baha.

Papalapit na kami sa aming tahanan, pataas na nang pataas ang tubig sa aming nilalakaran. Nang mapansin kami ng aming mga kapitbahay, tinulungan nila kaming makatawid sa aming tahanan sa pamamagitan ng lubid.

Galit naman kaming sinalubong ng aking ama na may sakit, bakit daw kami sumugod sa baha nang ganun kataas ang tubig? Pare-pareho pa tuloy kaming stranded!

Gumanti na lang ako ng ngiti at niyakap ko ang aking ina na nakangiti rin.

Lumulutang man ang gamit namin noon sa bahay, gutom man kami noong mga panahon iyon, hindi na namin ito inisip. Ang mahalaga, sama-sama kami — kumpleto at ligtas.

Comments (3)

Tags: , , , , ,

Risky prescriptions, hunks on wheels, and the “real” people power

Posted on 08 October 2009 by KMJS admin

Airing date: October 10, 2009

Airing time: 8:30 p.m.

BULALO MEAT, URINE, AND SMOKING… GOOD FOR HEALTH?

bulalo-pic3

Ayon sa ilang mga pag-aaral sa U.S., ang “bad cholesterol” mula sa bulalo raw ang pinakamabisang lunas sa iba’t ibang mga sakit sa puso at kanser!

Kung ano-ano ng mga gamot ang natuklasan para malunasan ang iba’t ibang mga sakit. Pero minsan kung ano raw ang dahilan ng karamdaman, siya rin daw pwedeng gawing panlunas?  Ang pagkain ng bulalo gamot daw sa kung anu-anong sakit sa puso? Mainam din daw ang yosi sa kalusugan? At ang ihi na tinatapon natin, masustansya rin daw inumin?  May siyentipikong batayan nga ba ang mga bagay na ito o masyadong delikado para subukan at paniwalaan ng publiko?

2009 MR. TRICYCLE DRIVER

Nueva Viscaya’s finest tricycle drivers show off their looks and talent in the first ever search for Maginoong Tricycle Driver!

Basta raw driver, sweet lover. Pero may ilang driver, kundi bastos — antipatiko! Kaya ang bayan ng Solano sa Nueva Viscaya, naglunsad ng patimpalak para humirang ng Maginoong Tricycle Driver sa taong ito. Kahit kadadaan pa lang ng bagyo sa kanila, tuloy pa rin ang pakontes. Sa panahon daw kasi ng kalamidad mas nangangailangan ng premyo ang mga tricycle driver.  Kitang-kita naman daw kung paano kinarir ng mga tricycle driver ang talent portion. Nagpaastigan din sila sa mga formal wear na dinisenyo pa ni Rene Salud. Yun nga lang, pagdating sa question ang answer portion, ang sagot ng karamihan, lumiliko-liko!  Ngayong Sabado, papasada na ang mga Maginoong Tricycle Driver sa Kapuso Mo, Jessica Soho.

SAMA-SAMANG PAGBANGON

Ang tunay na diwa ng pagkakaisa ay makikita nga raw sa panahon ng kalamidad, tulad na lang ng eksena rito sa isang relief good storage center

Pagkatapos ng bawat kalamidad at unos — ang pagtutulungan at pagbangon.  Ang mga bumbero sa Marikina, hindi lang nag-aapula ng sunog ngayon, tinataboy na rin nila ang makakapal na putik na nakakulapol sa mga bahay. Sa Quezon City naman, isang laundy shop ang may libreng palaba para sa mga nasalanta.  Habang may mga nagtuturo na rin ngayon ng iba’t ibang paraan sa mga evacuation center, kung paanong mas mapasasarap at mapasusustansya ang luto ng mga rasyong pagkain.

Comments (8)

Tags: , ,

Heroes, survivors, and reunions

Posted on 02 October 2009 by KMJS admin

Airing date: October 3, 2009

Airing time: 8:30 p.m.

HEROES

Even animals were not spared by typhoon Ondoy’s path
Sa panahon ng mga trahedya at kalamidad kusa raw umuusbong sa puso ng bawat isa ang paghahangad na makatulong sa iba, kahit pa mabingit sa panganib ang sariling buhay.  Tulad na lang ni Jason, isang security guard sa UERM na hindi nagdalawang isip na sagipin mula sa inaanod na kotse ang doktor na sakay nito. Ginagamit naman ng Philippine Dragon boat team ang kanilang kaalaman sa pagmamaniobra sa tubig para makatulong sa mga rescue operation. Samantalang ang PAWS o Philippine Animal Welfare Society, to the rescue sa mga hayop na nabiktima rin ng bagsik ni Ondoy.

SURVIVORS


Calling for help: Record rainfalls last Saturday left Manila and some parts of Pasig, Quezon City, Antipolo, and Rizal drenched in water


Abot-langit ang pasasalamat ng mga nakaligtas sa hagupit ni Ondoy para sa kanilang ikalawang buhay. Pero ang kuwento ng hirap na kanilang pinagdaanan, habambuhay na raw tatatak sa kanilang alaala. Gaya ng PBA Assistant Coach na si Koy Banal na suwerteng nakakapit lang sa isang puno kaya siya nakaligtas. Ang mga preso naman sa piitan ng San Mateo, Rizal naisalba ang kanilang buhay sa pamamagitan ng lubid ng flag pole.  Habang ang artistang si Giselle Sanchez at ang kanyang kapatid, nakuhang kumain ng isda mula sa baha para lang may makain sa tatlong araw na na-trap sila sa kanilang bahay sa Pasig.

MISSION: REUNION

A woman looks at the remnants of her two-story house which was swept by raging floods brought about by Typhoon Ondoy last Saturday

Sa pansamantalang paghihiwalay, tiyak na makararamdam ng pangungulila.  Ano pa kaya kung sa paghihiwalay walang katiyakan kung muli pang magkikita? Ang pamilya ni Allan pinaghiwa-hiwalay nang rumaragasang tubig. Nakaligtas si Allan ngunit malamig na bangkay na niyang nadatnan ang kanyang asawa at dalawang anak.  Samantalang pinaghahanap pa rin niya ang isa pa niyang nawawalang anak. Pero marami pa rin sa mga biktima ang hindi sumusuko, umaasang ang kanilang paghahanap masusuklian ng masayang pagtatagpo.

Comments (14)


Ayuyu, Pinoy Bags in Hollywood, and Condoms!


“Ayuyu” or mud lobster thrives on the banks of Pamplona, Cagayan. Its taste is a mixture of shrimp and crabs and it is best cooked as adobo or mixed with coconut milk! Meanwhile, Hollywood celebrities such as Best Actress winner, Sandra Bullock used a Pinoy bag in the Academy Awards?! And find out why some people fight STD by drinking water mixed with detergent, or use recycled condoms to save money! Read more...

Kapuso Mo, Jessica Soho (One at Heart, Jessica Soho) on Facebook
Click the player to hear the KMJS Theme Songs