ni Efdelyn del Mundo, Researcher
“Tara laro tayo!” ‘Yan ang paborito kong linya noong bata pa ako.
Namulat ako sa mundong hindi alam ang hirap. Ang mahalaga lang sa akin noon, ang makapaglaro.
Naalala ko noon hilig kong laruin ang mga Barbie doll ko. Papaliguan, susuklayin at dadamitan. ‘Pag sawa na ko, Polly Pocket naman.
Kapag nabagot, lalabas naman ako ng bahay. Tatawagin ko na ang mga kalaro ko.
Tara na, mag black one to three, mataya-taya, patintero, ten-twenty, lutu-lutuan at langit lupa tayo.
Akala ko noon ganoon lang ang buhay… masaya walang problema. Lumaki kasi ako na binibigay ng aking mga magulang ang mga pangangailangan ko. Pinagtapos pa nila ako sa prestihiyosong paaralan.
Naisip ko napakasuwerte ko.
Pero hindi lahat, ganito ang kuwento.
Excited ako nang malaman kong gagawa kami ng Child Rights Special para sa KMJS! Malapit kasi sa puso ko ang mga bata.
Hilig ko ang magturo at makihalubilo sa kanila. Pero ang pagkasabik na ito, napalitan ng kalungkutan nang makilala ko ang mga batang pinuntahan namin sa Rodriguez, Rizal.
Sila ang mga batang mangangalakal na sa murang edad, banat na ang buto sa pagtatrabaho dahil sa matinding kahirapan.
Walang mga kalsada sa mga tinitirhan nilang mga bundok kaya sila ang mano-manong nag-aangkat ng mga gulay, prutas at samu’t saring produkto sa kapatagan.
Dahil hindi na nga bago sa akin ang pakikipag-usap sa mga bata, akala ko madali lang ang istorya lalo na at nasa isang lugar lang ang mga iinterbyuhin namin.
Nagkamali ako dahil sa lugar palang iyon na malayo sa sibilisasyon, walang telepono, walang kuryente at higit sa lahat, walang signal ng cellphone.
Paano na kaya ito?
Bilang researcher, importante sa aming trabaho ang telepono, cellphone, internet, at e-mail. Mas mapadadali ang pagre-research kung meron ka ng mga bagay na iyon.
Pero nang mga sandaling iyon, ang pinakaimportanteng sandata na mayroon ako, ang dalawa kong paa para puntahan ang magkakalayong mga bata, tenga para pakinggan ang kanilang kuwento at bibig sa pagtatanong-tanong.
Madami kasing mga batang mangangalakal kaya dapat ay kilalanin ko sila nang masinsinan bago ko masala ang pinakamagandang interbyuhin. Aminado akong hindi ako sanay sa pag-akyat-akyat sa bundok hindi tulad ng mga kasama ko. Inisip ko na lang, we have to do this for the love of our work.
Salamat sa Diyos at matapos ang humigit-kumulang isang oras, nakasalubong ko rin si Tyson, isa sa mga batang mangangalakal.
Sa kaniyang tindig at payat na katawan, hindi mo aakalaing trese anyos na siya. Malayo nga ang kaniyang eskuwelahan sa bahay at delikado pa ang kaniyang mga dinaraanan pero wala pa ring nakapipigil sa kaniyang pumasok upang matuto.

Tyson with Mam Jess
Dahil sa kaniyang kasipagan, nakapagtapos siya ng elementarya kaya isinama namin siya sa aming istorya.
Marami kaming ibang hirap na dinanas para lamang mahanap ang mga batang magbibigay ng mukha sa aming istorya. Nariyang umakyat kami sa hagdang may mahigit 500 steps na parang patungo na sa langit.
Panay rin ang tawid namin sa mga ilog. Sa pangatlong ilog na aming tinawid, nasira na ang aking tsinelas. Mababato, matatarik at madudulas kasi ang mga lupang aming nilalakaran at mga ilog na aming nilulusong.

Crossing rivers
At mukhang hindi pa sapat iyon dahil inabutan na rin kami ng ulan. Buti na lang may nagpahiram sa amin ng payong. Ilang oras pa, kumalam naman ang aming sikmura kalalakad. Hulog naman ng langit ang nagbigay sa amin ng pagkain. Labis akong natuwa sa mga taong hindi ko man kaano-ano ay nagpakita ng malasakit sa amin.
Hanggang nakalimang tawid na kami ng ilog at sabi ko sa sarili ko, “Yes-hoo! Naka-survive na ako!” Mukhang sanay na akong tumawid ng ilog.
Pero nagkamali pala ako. Dahil sa madudulas at malulumot na bato pala roon ako maliligo nang may damit.
Nakadalawang semplang din ako sa pagtawid-tawid ko sa mga ilog. Puwera pa ang pagkadulas ko nang ilang ulit sa pag-akyat ng bundok. Pero katulad ng buhay, kapag bumagsak ka, kailangang matuto kang tumayo. Himala nga at hindi ako nakararamdam ng pagod. Hangga’t wala pa akong matinong nahahanap na iinterbyuhin, sige pa rin.

KMJS staff on a raft
Hanggang makarating kami sa dulo ng bundok sa Sitio Anipa. Dito ko nakilala ang ilang batang Dumagat na may edad anim hanggang labing-isa. Sa murang gulang nila, nangangalakal na rin sila sa pamamagitan ng pagkuha ng mga kaymito sa tuktok ng mga puno para ibenta sa kapatagan. Ang kinikita lang nila dito bawat isa kapag naghati-hati na: P20. Napakababa para sa hirap at panganib na pinagdaraanan nila.

Dumagat kids harvesting caimito
Si Biboy ang pinaka lider nila. Tinanong ko siya kung ano ang pangarap niya. Laking gulat ko nang sumagot siyang, “Gusto ko maging construction worker at magtanim-tanim lang.” Naibulong ko na lang sa aking sarili: “Batang masipag na may simpleng pangarap, malayo pa sana ang iyong marating.”

Biboy helping his dad to harvest
May halos isang linggo rin akong pabalik-balik sa bundok Moriah para sa aming istorya. Pero pakiramdam ko, mahigit isang buwan ang ginugol ko sa lugar. Madami akong realizations sa istoryang ito, kasama na rito na mas masarap pala ang noodles at sardinas ‘pag nasa bundok!
Hindi ko sukat maisip noon bakit may mga taong iniisip tumira sa bundok, e, napakaboring doon. Naintindihan ko na mabuti rin ang kanilang desisyon na manatili sa kanilang tinitirhan sa halip na mamalimos sila sa kalye at dumagdag sa squatters ng Kamaynilaan.
Mas mabuti na iyon kaysa magutom at mapakapit sa patalim. At least sa bundok, kalikasan na ang magpapakain sa iyo.
Pero hindi nga pala sapat ito, kailangan din nilang kumayod para sa sarili nilang mga pangangailangan. Ang nakalulungkot dito, pati mga bata, kailangang magpakakuba para makatulong sa mga gastusin ng kanilang pamilya.
Ito na marahil ang pinakamahirap na istoryang aking ni-research pero ito naman ang pinaka-rewarding. Dahil hindi lang ito basta istorya ng kahirapan, naranasan ko rin dito ang makipamuhay.
Sa pagtatapos ng pagfi-fieldwork namin para sa istoryang ito, hindi na awa ang nangibabaw sa akin, kundi paghanga na may ganitong mga bata na kayang pasanin ang mga tungkulin ng matatanda para lamang may makain.
Bitbit ko rin ang mga munting alaala na aking natutunan habang kipkip ko ang mga panalangin na balang araw, ang mabibigat nilang pasanin, nawa’y mapagaan na rin.













