Monday, September 22. 2008
 Drug mules ang tawag sa kanila, mga taong lumulunok ng droga para itawid ng ibang bansa kapalit ng malaking halaga.
Sila ang mga nakilala ko noong isang linggo sa Malaysia.
August 22 nang lumutang sa akin ang isang impormante.
Kwento ni James, may isang Nigerian drug syndicate na nakabase sa Malaysia na walang awang nagre-recruit ng mga Pilipina para gawing drug couriers. Pinapalunok sila ng droga para itawid ng China.
Sabi ng mga intelligence officer ng Malaysian police gustong gusto ng Nigerian drug syndicate na ito na mag-recruit ng mga Pilipina dahil, unang-una, ginagawa muna nila itong nobya. Pag nagsawa na saka uutusang magbiyahe ng droga. Kapag buntis naman, tingin ng sindikato, mas malambot ang pinapataw na kaparusahan sa mga ito.
Kumpara rin daw sa mga lalaki, mas maraming pwedeng pagtaguan ang mga Pilipinang naloloko nila. Kapag puno na raw ang mga tiyan ng mga kababaihan, pinipilit ng sindikatong ipasok ito sa ari ng mga kawawang biktima. Sa isang operasyon nga sa China, isang Pilipina ang nahulihan ng siyam na kapsula ng heroin sa ari, 48 sa rectum, at 11 sa bituka matapos ma-x-ray. Bawat kapsula nasa isang pulgada ang haba, at singtaba ng hinlalaki.
 Buti sana kung malambot ito, ang kaso, singtigas ng mga solidong kendi ang nilulunok nila para kumita ng pera. US$1,000-US$3,000 ang bayaran sa bawat biyahe.
Para malunok ito ng mga Pinoy, isinasawsaw ang heroin capsules sa okra, pampadulas.
Pero ang mas matinding rebelasyon ng impormante - nanggagaling ang droga ng Afghanistan, lulunukin ng isang Pakistani, idudumi sa Malaysia, huhugasan ng toothpaste, at lulunukin ulit ng mga Pilipinong drug mules.
Grabe.
Tinawag na case operation plan (coplan) “Marco Polo” ang operasyon ng NBI Anti-illegal Drugs Task Force. Marco Polo dahil mga “biyahero” ang target. GMA News at Reporters Notebook ang nagsilbing tulay ng NBI kay DFA Undersecretary Rafael Seguis para makipag-ugnayan naman sa Malaysian at Chinese intelligence operatives.
Habang nasa loob ng drug den si James, patuloy pa rin ang pagpapadala niya sa akin ng impormasyon sa pamamagitan ng text. Ganundin sa NBI at Malaysian police.
 Sa Pilipinas, si NBI Deputy Director Ruel Lasala ang ground commander, bilang hepe ng NBI Anti-illegal Drugs Task Force. Sa Malaysia sina Joel Otic at Atty. Henry de Vera ang ipinadalang mga operatiba.
Sa magkakasabay na raid sa tatlong lugar sa Malaysia, arestado ang mga miyembro ng sindikato pati na ang lider ng kanilang grupo, ang 28-anyos na si Sennanyana Topo Twelelo. Ang masaklap, nasa kondominyum din niya ang siyam na Pilipinang inihahanda para magbihaye ng droga.
Masaya ang mga otoridad at nabuwag ang sindikatong dati ring nag-operate sa Pilipinas, pero sabi ni RP Ambassador to Malaysia Victoriano Lecaros, maaari raw maharap sa bitay ang mga nahuli, kasama ang ating kababayan.
Sana magawan ng paraan ng mga kinauukulan ang kanilang mga kaso. Hayaan na natin yung ulo ng sindikato, mailigtas lang yung mga Pilipina.
Thursday, August 14. 2008
 Agosto 11, Lunes, 6:30 ng umaga. Kasama ang mga pulis at guro, nagpunta ako at mga cameraman kong sina Gregg Gonzales, Jonathan Palisoc at Ding Lagoyo sa Tipo-Tipo, Basilan, para sa pagkuha ng mga ballot box ng mga teacher doon.
Pagdating namin, agad kaming nag-shoot para ma-document ang mga nangyayari. Dahil masyadong marami at matagal ang pagkarga ng mga ballot box sa mga sasakyan, minabuti naming kunan muna ang na-landmine na Bohey-Basilan Bridge.
Pagbalik namin sa munisipyo ng Tipo-Tipo para tapusin ang shoot sa pagkakarga ng ballot boxes, isang impormante ang dumating para sabihing my 300 na MILF at Abu Sayyaf sa Bohey-Basilan Bridge, naghihintay para mang-ambush.
Sa tindi ng bakbakan, napadpad kami sa kampo ng 10th Marine Batallion, kung saan namin nasaksihan ang pagdating ng mga sugatang sundalo.
Pinakamalubha doon si Cpl. Angelo Abeto na nasabugan ng mortar shrapnels sa ulo at likod.
Ang masaklap, sa kabila ng apila ng kanyang mga kasamahan para sa isang medical evacuation, lumagpas pa ang apat na oras. Ayon sa mga medic, maraming dugo ang nawala sa kanya.
 Bagamat nalungkot, hindi sila nagulat sa pagpanaw ni Abeto pagdating ng Zamboanga sakay ng isang US chopper.
Sa aking nakita, naramdaman kong kulang na kulang ang tropa ng Marines kumpara sa dami ng mga kalaban nila. Kaya umaga pa lamang, tinanong ko na kung bakit walang suporta o air strike para sa mga kalaban.
Sabi ng mga opisyal na aking nakausap, hindi pa raw kailangan, kahit pa na-deploy ang kanyang squad (isang squad = 9 na sundalo) para lumaban na rin.
Tinanong ko rin na bakit hindi gumamit ng mga 105 howitzer, yung nakikita nating malalaking kanyon? Sabi nung officer, nasa discretion daw iyon ng Marine Brigade commander na si Col. Rusty Guerrero.
Sa lahat ng ito, masaklap din ang sinapit ng mga residente. Nakayapak sila habang tumatakbo palayo ng bayan ng Tipo-Tipo.
Pagkatapos ng gera, pinasok namin ang ilang bahay na nasunog dahil sa rocket propelled grenades ng MILF. Ang mga babasaging baso animoy plastic na natunaw.
Nakakalungkot isipin na sa kabila ng pagbubuwis ng buhay ng mga sundalo sa labanan, kitangkita na hindi handa ang kanilang mga opisyal kapag sila na ang ililigtas.
Sana matuto na ang AFP, mapuksa ang masasamang grupo at manaig ang kapayapaan sa mga lugar gaya ng Tipo-Tipo.
Thursday, November 15. 2007
 on board the chopper over gaza
 from the viewing post, gaza
 with Palestinian qassam homemade rockets in sderot, Israel
 at Nazareth
 at the northern Israel-south Lebanon border, with jim busis of the ajc
 floating at the dead sea
 an artwork at jaffa, Israel
 at the westbank
Friday, June 8. 2007
Hello mga Kapuso! Kumusta na kayo. Salamat nga pala sa mga comment nyo sa blog ko. At pasensiya na kayo di ako agad makasagot. Masaya palang mag-blog, at nakakataba ng puso lalo na pag binabasa niyo ang entry ko.
Sa wakas nga ay tapos na ang eleksyon sabi ni Manong Joe Torres. Pero talagang hindi ko pa rin makakalimutan yung coverage namin sa Maguindanao.
Alam niyo bang pagkatapos lumabas nung story ko, isang miyembro ng board of election inspectors o BEI, ang nagsabing inutusan din siyang mandoktor ng balota.
E iniikutan na ng mga di kilalang tao yung hotel na tinutuluyan namin sa Cotabato at nalaman din namin na sinusundan kami, kaya pack up kami agad, at nagtago sa ibang lugar, dahil iba na yung sigurado. Ang di nila alam, marami na kaming na-shoot na istorya, kaya bukod dun sa BEI, meron kaming istorya sa isang lugar na di raw nagkaroon ng eleksyon at private army. Exciting di ba?
Pero di yan ang pagkukuwentuhan natin, dahil alam niyo bang pagkatapos kong mag-Everest last year, isang buwan lang ang lumipas at napunta naman ako ng Lebanon? Nakakalungkot nga, kasi isang taon pa lang ang nakakalipas, e may giyera na naman ulit sa isang part ng Lebanon. Kaya sigurado akong kinakabahan na ang ibang mga Pinoy doon.
Di rin naging madali ang buhay nila, lalo na noong evacuation last year.
Sa Lebanon-Syria border inabot kami ng madaling araw para subaybayan ang pagpo-proseso ng kanilang mga papers palabas. Yung ibang mga tumatakas sa amo nila, pagdating sa border hinohold pa ng pulis, at ibinabalik sa Lebanon dahil may reklamo daw ng pagnanakaw. Kaya yung iba, napipilitang tumakas. Yung nakausap ko nga tumalon sa building kaya nagka-spine injury siya. Grabe talaga.
Kasama ko noon si Ten Ten Bautista, cameraman ng Reporters Notebook. Swerte din kami kahit papaano dahil hindi kami inabot ng mga bombings sa mga border na pinuntahan namin. Tuwing aalis kami ng border, dun umaatake ang mga fighter jets ng Israel.
Dun sa border na tinatambayan namin, nameet ko si Jim Clancy, anchor ng CNN. Syempre nagpa-picture ako sa kanya.
Sa Beirut, natatandaan ko hinarang kami ng mga miyembro ng Hezbollah, akala kasi mga spy kami dahil pumasok kami sa kanilang lugar. Buti na lang naawa, dahil nakita siguro nila yung mukha ko na kamukha ni Puzz sa Shrek. Dun sa Beirut, GMA News yung unang Pinoy network na nag-live report. Kasama ko noon si Special Envoy to the Middle East Roy Cimatu.
Sa Syria kami nakabase noon. Dun grabe din, nakumpiskahan kami ng tape, dahil nagkamali ang guide namin, bawal palang mag-shoot dun sa isang lugar dahil may military camp. At yung pasaway na driver namin na si Mr. Isha, parating inaantok, kaya napipilitan kaming mag-drive ni Ten Ten. Malalayo yung biyahe namin, siguro Manila-Baguio-Manila ang distansya araw araw, at 160-180kph ang takbuhan dun sa disyerto. Ito’y para lang makakuha ng storya. Tapos ginagawa namin yung satellite feed sa Syria.
Kausap ko nga pala si Fr. Advincula noong isang araw. Siya yung paring Pinoy na nasa Beirut. Sabi niya "wait and see" pa rin sila sa sitwasyon, pero ang dasal niya wag nang lumaki pa yung gulo.
Sana nga din a siya lumaki, dahil sigurado akong libo-libong OFW at kanilang pamilya na naman ang maaapektuhan.
O panu mga Kapuso, kwentuhan ulit tayo ha.
Hello mga Kapuso! Kumusta na kayo. Matagal-tagal din tayong di nagkakwentuhan. Maraming salamat nga pala sa mga nag-comment sa pinakaunang blog entry ko, at sana wag kayong magsasawang maglog-in dito sa gmanews.tv. Hayaan nyo, iisa- isahin kong sagutin mga comment nyo.
Alam niyo bang nasubaybayan ko ng buong-buo ang takbo ng pulitika sa Batangas? Mula sa declaration ni Sen. Ralph Recto sa Pampanga na si Ate Vi ang susunod na gobernador ng Batangas, hanggang sa pag-alma ni Vice-Gov. Ricky Recto, sa mga araw na di nagsalita si Ate Vi, para mag-isip muna, hanggang sa kanyang declaration, sa kampanya hindi lang ni Ate Vi, kundi pati nina Gov. Arman Sanchez, at retired police Gen. Nestor Sanares, sa eleksyon, bilangan, hanggang sa pagkapanalo na ni Ate Vi.
Pero di natin pag uusapan, o babalikan ang mga yan. Ang ikukuwento ko sa inyo, yung mga observation kong hindi lumabas sa news.
Siguro di naman lingid sa ating kaalaman na maraming organized crime groups ang namumugad sa Batangas. Nandiyan yung mga carnapping, kidnapping, hijacking, gunrunners, at iba pang mga sindikato. Pero may isang tao na mukhang nagpatahimik sa kanila sa panahon ng eleksyon, sa pamamagitan ng pakiusap. Di ko na babanggitin ang kanyang pangalan dahil na rin sa pakiusap niya.
Sabi niya sa akin, pinakiusapan daw niya ang mga sindikato para tumahimik muna sa panahon ng eleksyon. Binuksan din niya ang kanyang linya ng komunikasyon, para sabihin ng mga grupong ito kung may request sila o kailangan. At maayos nga naman, dahil naging maayos ang pangangampanya ng kandidatong sinamahan niya. Hindi namin naranasang magkaroon ng aberya sa panahon ng pangangampanya.
Pero pagdating sa Taysan, Batangas, ibang usapan naman. Mga pulis naman ang pinupuntirya ng imbestigasyon, hindi organized crime groups.
Nakakatuwa na sa panahong nakasama ko sina Ate Vi, Gov. Sanchez at Gen. Sanares, nakilala ko sila kahit papano. Pagdating sa discussion ng mga issues, seryoso at focused si Gen. Sanares. Talagang bumababa siya sa level ng kanyang mga nakakausap. Inuna kasi niya ang pangangampanya sa mga liblib na lugar sa Batangas, para dito ang kanyang plataporma at advocacy.
Alam naman nating lahat na barako, brusko ang image ni Sanchez. Katunayan nga kung galit siya ipapakita niyang galit siya sa harap ng mga tao, gaya nung nakunan naming video, nung abutan niya yung kalaban niyang nagsasalita sa miting de avance ni Sanchez. Minsan pa yung mga soundbite niya, talaga namang pabalang. Pero in fairness sa kanya, nakita kong malambot ang puso ni Sanchez pagdating sa pamilya, dahil sa isang interview, napaiyak ko siya! At makatao, dahil araw-araw people’s day sa Kapitolyo. Medyo mahirap yun sa isang executive.
Si Ate Vi naman ang tipong pag nagbitaw ng kanyang salita, yun na yun. Ibig sabihin pag nangako siya ng interview, kahit anung mangyari, masusunod yun. Parang nanay naman yan kung makipag usap, at talagang ituturing ka niyang kaibigan. Lahat ng madadaanan ng kanyang motorcade nakita kong nakangiti at kinikilig. Kahit ako nga, nagpa-autograph, at nagpa-picture pa.
Ngayon panalo na si Ate Vi, sya na ang bagong governor ng Batangas. Habang binabasa nyo ang blog entry na 'to, naghahanda naman ako para saliksin ang bawat anggulo, at kumpletuhin ang mga detalye (parang lines ng Reporter’s Notebook yun a) tungkol sa dayaan sa Maguindanao. Interesting ito. Pagbalik ko kukuwentuhan ko ulit kayo.
Monday, May 7. 2007
Sa wakas, matatawag ko na ang sarili kong isang full-fledged blogger. Sa totoo lang, hanggang ngayon, typing ng story lang ang mabilis kong nagagawa pag kaharap ko ang computer. Pero salamat sa gmanews.tv at nabigyan ako ng pagkakataong i-share ang mga nakikita ko sa aking paligid sa pamamagitan ng blog.
Alam niyo ba na isang taon na ang nakakalipas, ay nasa basecamp ako ng Mt. Everest sa Nepal para i-cover ang pag akyat ni Romy Garduce? Syempre, hindi ako nag-iisa doon dahil isang buong team kami kasama ang mga satellite engineer na sina Dennis Mariano, Allan Gutierrez, Buboy Pacursa, cameraman na si Gemmo Soho, UP Mountaineers President Henry Nakpil at syempre si “Garduch.”
Medyo mahirap yung coverage na yun kasi halos nasa 18,000 feet kami, at dito mabagal kumilos dahil manipis na ang hangin. Pag nasa sea level, normal ang paghinga pero pag andun ka sa ganung altitude, naghahabol ka na ng hininga! Mahirap lahat — magsulat, magreport, uminom, kumain, matulog at kahit magpupu.
Pag minsan pa, nagigising kami sa ingay ng avalanche sa katabing bundok o mga nahuhulog na bato. Pag minsan naman di namin namamalayan na dahil maraming pumatak na snow noong nakaraang gabi, natatabunan ang mga tents namin.
Alam niyo ba na inabot ng may isang tonelada ang bigat ng broadcast equipment at mga personal na gamit namin? Pag-akyat namin may mga kasama kaming porters bukod pa sa Yak (yung parang kalabaw nila dun) para magbuhat ng mga generator, satellite at ibang gamit namin.
Matagal-tagal na lakad din yung ginawa namin, mga 11 days papuntang basecamp. Lahat lahat mga 150 kilometers yun! Sa haba ng lakad namin, pag minsan sa daan na ako inaabutan ng tawag ng newsdesk, para idikta nila yung script sa "24 Oras," sa pamamagitan ng satfone. At habang palapit kami ng palapit sa paanan ng Everest, nawawala na din yung mga halaman dahil nga kokonti na ang oxygen. Karaniwan na lupa, bato, yelo o buhangin na lamang ang makikita namin.
Pero nung maka-summit na si Romi, talagang tuwang-tuwa kami. Hero’s welcome ang ginawa namin sa kanya pagbalik nila sa basecamp. Yung mga sherpa niya, binigyan pa ko ng mga bato galing sa summit ng Everest kaya panalo talaga.
Mahirap na masarap na experience yung coverage ko sa Everest. Habang nasa basecamp kami, mas lalong tumindi yung pagkakaibigan naming team. Mas nagkaroon ng disiplina sa trabaho, kasi mahirap kumilos. At kung uulit pa ang coverage na ito, tiyak na sasama ulit ako.
Thank you po mga Kapuso!
|