MANILA – Posibleng tatlong kandidato na lang sa panguluhan ang pagpilian ng mga botante pagsapit ng halalan sa Mayo 10 kapag natuloy ang babala ng Commission ng Elections laban sa anim na iba pang kandidato dahil sa paglabag umano sa patakaran sa campaign material.
Ayon kay Atty. James Jimenez, tagapagsalita ang Comelec, nakapagdokumento ang
Education and Information Department (EID) ng ahensiya tungkol sa ginagawang paglabag ng mga kandidato sa patakaraan sa paggamit ng mga campaign propaganda sa halalan.
Ang mga presidentiables na nadokumentuhan na lumalabas sa campaign rules ay sina Sen Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III (Liberal Party), dating pangulong Joseph M. Ejercito Estrada (Puwersa ng Masang Pilipino – UNO), Sen Richard J. Gordon (Bagumbayan), Gilberto C. Teodoro Jr. (Lakas-Kampi-CMD), evangelist Eddie C. Villanueva (Bangon Pilipinas), at Sen Manuel Villar Jr. (Nacionalista Party).
Kasama rin sa mga lumalabag umano sa patakaran ng Comelec sina vice presidential candidates Makati Mayor Jejomar Binay at dating Metro Manila Development Authority chief Bayani Fernando; senatorial bets Senator Lito Lapid, Atty. JV Bautista, at broadcaster na si Rey Langit.
“We would not expect this normally since they are very staunch advocates of obeying the law (but) everyone is equally in violation it would seem,” pahayag ni Jimenez nang makapanayam ng media.
Partikular na paglabag na ginagawa umano ng mga kandidato ay ang paglalagay ng mga campaign paraphernalia sa hindi sakop ng “common poster areas.” Bukod pa rito ang paggamit ng mga materyales na higit sa itinakdang sukat ng batas.
Kabilang sa mga lugar na sakop ng “common poster areas” ang mga plaza, pamilihan, at barangay center. Samantala, ang mga party-list group at political parties ay pinapayagan lamang ng gumawa ng poster na may sukat na 12 x 16 feet. Habang ang bawat kandidato ay dapat 4 x 6 feet lang ang sukat ng poster.
“The state of compliance is rather dismal,” ayon kay Jimenez tungkol sa ginagawang paglabag ng mga kandidato.
Sinabi niya na ipadadala umano nila ang ulat ng EID sa Comelec Law Department para sa “kaukulang hakbang.”
“We will submit this report to the law department so that the law department, if they feel that it’s necessary, initiate legal action as soon as possible,” pahayag ni Jimenez.
Ipapaalam din umano ng Comelec sa mga kandidato ang kanilang paglabag at bibigyan sila ng tatlong araw para alisin ang mga campaign material na hindi umaayon sa batas.
“Kung hindi nila tinanggal, we will have to talk about legal action, that is an election offense, there is the possibility of disqualification,” babala ni Jimenez.
Mas makabubuti rin umano kung ang maghahain ng reklamo laban sa mga kandidato ay magmula sa hanay ng mamamayan sa halip na manggaling mismo ang inisyatiba sa Comelec.
“How can we, on our own, file a case, if we have to decide the case ourselves,” ayon sa tagapagsalita ng Comelec. – GMANews.TV



















